Temporary shutdown sa Boracay, ikinakasa na ng Inter Agency Task Force

Idinetalye ni DOT Assistant Secretary for Public Affairs Communication Ricky Alegre ang ginawang rekomendasyon ng Inter Agency Task Force na kinabibilangan ng DOT, DILG, DENR, DSWD, LGU’s at DOLE para sa temporary shutdown sa Boracay ng anim na buwan upang ito ay mai-rehabilitate.

Sa news forum sa Maynila, sinabi ni Alegre na mahigit na 30,000 ang apektado ng pagpapasara at 5,000 manggagawa naman ang mawawalan ng trabaho kaya ang TESDA at DOLE ay magsasagawa ng mga seminar para sa apektadong manggagawa.

Kabilang aniya sa isasagawang workshop at training activities ay water safety at hazard training at maging tour guide upang mabigyan ng pansamantalang trabaho ang mga maaapektuhan ng shutdown

Paliwanag pa ni Alegre na ang Inter Agency Task Force ay magsasagawa ng multi-sector workshop sa darating na April 11 at 12 kung saan inaasahan na dadaluhan ng mahigit 100 participants ng mga mawawalan ng trabaho.

Giit ni Alegre na natutuwa sila na mismo ang gobernador ng naturang lugar ang nanguna sa paglilinis upang maibalik ang ganda ng Boracay at dadayuhin muli ng mga turista. | via Lorenz Francis Tanjoco