Taytay LGU, nakapag-deploy na rin ng halos 10,000 COVID-19 vaccines

Umabot na sa 9,795 ang bilang ng COVID-19 vaccines na nai-deploy sa buong bayan ng Taytay, Rizal.

Sa inilabas na vaccination status ng pamahalaang lokal, iniulat nitong aabot na sa higit 7,000 mga residente ang nakatanggap ng unang dose, habang 2,225 na rin ang fully vaccinated.

Mula sa limang barangay sa Taytay, ang Brgy. San Isidro ang nakatanggap ng pinakamalaking alokasyon ng bakuna, na sinundan ng Brgy. Dolores at San Juan.

Mga nasa A2 category o mga senior citizen naman ang mayorya ng nabakunahan sa bayan, na nasa higit 2,000 na.

Patuloy namang hinikayat ng local government ang mga indibidwal na kabilang sa priority sectors, na magpabakuna lalo na at limitado pa ang bilang ng COVID-19 vaccines na dumarating sa bansa.