Tax exemption ng kompensasyon ng teachers tuwing eleksyon, malapit nang makalusot sa Kamara

Aprubado na sa ikalawang pagbasa sa Kamara, ang panukalang batas na layong i-exempt sa tax ang lahat ng kompensasyon ng mga guro na magsisilbi sa national at local elections.

Oras na maisabatas ang House Bill 9652, hindi na papatawan ng tax o buwis ang honoraria, travel allowance, at iba pang benepisyong ipinagkakaloob sa Board of Election Inspectors at iba pang magsisilbi sa halalan.

Bukod dito, lusot na rin sa second reading ang House Bill 9785, na nag-aamyenda sa Omnibus Election Code.

Layon ng panukalang batas, na paigtingin ang integridad ng field offices ng Commission on Elections (COMELEC), sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga tauhan. 

Ang field offices ay hiwalay at independent dapat, mula sa impluwensya ng local government units. 

I-a-upgrade at bubuo rin ng iba’t ibang posisyon, kasabay ng pagtataas ng sweldo at benepisyo para sa mga kawani. 

Sa kada bagong City, Municipal, o Electoral District, mayroong itatalagang posisyon para sa election officer at election assistant. 

Sa kada 20,000 registered voters naman ay dapat may isang election assistant na nakatalaga.