Tax collection sa sugary-sweetened beverages, kapos ng P10 bilyon —DOF

Ipinasisilip ng Department of Finance (DOF) sa Bureau of Internal Revenue (BIR) kung nakapagbayad ng tamang buwis ang mga beverage manufacturer batay sa itinatakda ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Ayon kasi kay Finance Undersecretary Karl Chua, kulang kasi ng P10 bilyon ang tax collection na nanggagaling sa mga matatamis na inumin tulad ng carbonated drinks gayundin ng energy drinks, juice drinks at iba pa.

P6 hanggang P12 ang nadagdag na ipinataw na buwis sa kada litro ng sugar at sweetened beverages magmula ng maipasa ang TRAIN law.

Sa pagtaya ng DOF, dapat ay P40 bilyon ang makukuhang koleksiyon sa buwis nitong October 2018 pero lumalabas na P30 bilyon lamang ang nakolekta.

Hinala ng DOF, kalahati lang ng P12 dapat na mabayarang buwis ang naipapasok sa gobyerno.

Sa gitna nito’y inihayag ni Finance Secretary Carlos Dominguez, na malaki pa ring maituturing ang pumasok na buwis mula sa sweetened beverages products na nakalaan sa health programs ng Duterte Administration. | ulat ni Alvin Baltazar