Tauhan ng PNP na nasawi sa COVID-19, umakyat sa 71

Umakyat sa 71 ang bilang ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) na nasawi dahil sa COVID-19, kasunod ng pagpanaw ng isang 47-taong gulang na pulis na may ranggong Senior Master Sergeant na nakatalaga sa Lupon Municipal Police Station sa Davao Oriental.

Ayon kay PNP Chief General Guillermo Eleazar, nasawi ang nasabing pulis habang nasa ospital noong mismong araw ng Kalayaan noong June 12, matapos itong mahirapang huminga.

Dagdag pa ng PNP chief, hindi pa nababakunahan ng COVID-19 vaccine ang nasawing pulis subalit wala naman itong iba pang karamdaman tulad ng pneumonia at trangkaso.

Sa huling ulat ng PNP Health Service, 25,866 na ang kanilang mga tauhan na tinamaan ng COVID-19, kung saan 23,930 ang nakarekober, at 1,865 ang aktibong kaso.

Kasama na dito ang 89 na bagong recoveries at 164 na bagong kasong naitala ngayong araw.