Tauhan ng PNP na nasawi sa COVID-19, umakyat sa 69

Isa na namang tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang pumanaw dahil sa COVID-19.

Ipinaabot ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar ang kanyang pakikiramay, sa mga naulila ng 49 na taong gulang na pulis mula sa Cagayan de Oro, na naging ika-69 na fatality dahil sa COVID-19 sa hanay ng PNP.

Isinugod ang pulis sa ospital noong May 30 at nilagyan ng intubator, matapos na makaranas ng hirap sa paghinga habang naka-duty, at kinabukasan ay natuklasang positibo ito sa COVID-19.

Noong June 3, inalis ang kanyang intubator matapos na gumanda ang kanyang kalagayan.

Pero noong June 4, ay muli siyang in-intubate matapos na biglang bumagsak ang kanyang blood oxygen level, hanggang sa tuluyan itong pumanaw makalipas lang ang isang araw, noong June 5.

Sa ngayon, ay nasa 24,950 na ang tauhan ng PNP na tinamaan ng COVID-19, kung saan 23,069 ang naka-recover at 1,812 ang aktibong kaso.

Kasama na dito ang naitala ng PNP Health Service, na 119 na bagong kaso at 102 recoveries ngayong araw.