Tauhan ng PNP na nasawi sa COVID-19, 66 na

Isang 52-taong gulang na Police Captain mula sa Zamboanga City ang pang-66 na tauhan ng Philippine National Police (PNP) na nasawi dahil sa COVID-19.

Na-ospital ito matapos magpositibo sa virus noong May 1, at ipinasok sa Intensive Care noong May 18 dahil sa hirap sa paghinga.

Tuluyan itong binawian ng buhay kahapon matapos ang 30 araw na pakikipaglaban sa sakit.

Nagpahayag naman ng pagkalungkot si PNP Chief General Guillermo Eleazar na araw-araw ay may tinatamaan ng sakit sa kanilang hanay.

Tiniyak naman ni Eleazar ang buong suporta ng PNP sa kanilang mga tauhan at mga pamilya nito sa pamamagitan ng libreng check up.

Kaya hinimok ni Eleazar ang lahat ng mga pulis at kanilang mga dependents na magpa-check up agad sa oras na makaramdam ng sinotmas ng COVID-19.

Sa ngayon ay nasa 23,983 na ang tauhan ng PNP na tinamaan ng COVID-19 kung saan 22,067 ang naka-rekober at 1,850 ang aktibong kaso; kasama ang 116 na bagong kaso at 73 bagong recoveries na naitala ngayong araw.