Tauhan ng PNP na nasawi sa COVID-19, 57 na

Nasa 57 na ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP), na nasawi dahil sa COVID-19.

Sa ulat ni PNP Deputy Chief for Administration at Administrative Support to Covid 19 Operations Task Force (ASCOTF) Commander Police Lieutenant General Guillermo Eleazar, tinukoy ang huling fatality bilang isang 31 taong gulang na police non-commissioned officer, mula sa Police Regional Office (PRO) 3 na pumanaw kahapon.

Sa ngayon, ay nasa 20,769 ang mga tauhan ng PNP na tinamaan ng COVID-19, kung saan 19,086 ang naka-recover, at 1,626 ang aktibong kaso.

Kasama na dito ang 172 bagong recoveries at 158 na bagong kaso, na iniulat ng PNP Health Service kahapon.

Sa mga aktibong kaso, 50 ang nagpapagaling sa mga ospital, 810 ang naka-isolate sa treatment facilities ng PNP, at 766 ang nasa iba’t ibang quarantine centers.