Tauhan ng PNP na nasawai sa COVID-19, 65 na

Isa na namang tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang pumanaw dahil sa COVID-19.

Kinilala ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar, ang ika-65 na nasawi sa kanilang hanay mula sa naturang sakit bilang isang 41 taong gulang na pulis Manila.

Nagpositibo ito sa COVID-19 noong May 6 at agad inilagay sa quarantine facility.

Noong May 14, ipinasok ito sa ospital dahil sa hirap sa paghinga at inilipat sa Intensive Care Unit, at isinalang sa intubator noong May 20, hanggang sa binawian ito ng buhay kahapon.

Ipinaabot naman ni Gen. Eleazar ang kanyang pakikidalamhati sa pamilya, at sinaluduhan ang lahat ng mga pulis na itinataya ang kanilang buhay sa laban ng bansa kontra sa COVID-19.

Sa ngayon, ay 23,571 na ang tauhan ng PNP na tinamaan ng COVID-19, kung saan 21,766 ang naka-recover at 1,740 ang aktibong kaso.

Kasama na sa bilang na ito ang 184 recoveries, at 200 bagong kasong naitala ng PNP Health Service ngayong araw.