Tatlong miyembro ng gabinete na under investigation ng PACC dahil sa korapsiyon, mananatili sa puwesto

Mananatili sa kanilang puwesto ang tatlong miyembro ng gabinete na sinasabing under investigation ngayon ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).

Ito ang inihayag ng Palasyo kasunod ng kumpirmasyon ni PACC Commissioner Atty. Manuelito Luna na kasalukuyan silang nagsasagawa ng pagsisiyasat kina Labor Secretary Silvestre Bello III, TESDA Director General Isidro Lapeña at National Commission on Indigenous People (NCIP) Chairperson Atty. Leonor Quintayo dahil sa umano’y isyu ng korapsiyon.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, mas maiging hintayin na lamang ang magiging findings at rekomendasyon ng imbestigasyon.

Depende na ani Panelo sa tibay ng ebidensiya kung ano ang kahihinatnan ng tatlong under investigation na miyembro ng gabinete at ano ang magiging pasiya dito ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Pagtiyak ng Presidential spokesperson, mananatili ang ‘no sacred cow policy’ ng Pangulong Duterte at hindi aniya uubra kahit kaibigan, kakampi, o fraternity brod basta’t nagkamali, dapat papanagutin.  | ulat ni Alvin Baltazar