Tatlong gun-for-hire, napatay ng Batangas PNP

Napatay ng Batangas Philippine National Police (PNP) ang tatlong notorious na gun-for hire sa isang checkpoint operation sa Brgy. Bilogo, Taysan, Batangas, kaninang pasado alas-9:00 ng umaga.

Sa ulat ni Batangas Provincial Director SSupt. Edwin Quilates na nakarating sa Camp Crame, kinilala ang tatlong suspek na sina: Solomon Panal y Lacaba, Virgilio Hernandez y Cantuba at Efren Cruzada y Maranan.

Ang tatlo ay nakasakay sa isang grey Toyota Hi-Ace na may plakang RDJ 679 nang sila’y tinangkang parahin sa checkpoint operation ng Provincial Drug Enforcement Unit sa Taysan Municipal Police station.

Sa halip na huminto, pinaputukan ng mga suspek ang nakasunod sa kanilang surveillance team ng Batangas PNP, at mga pulis na nagmamando sa checkpoint.

Gumanti ng putok ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkapaslang sa tatlong suspek.

Ayon kay CALABARZON Regional Director PCSupt. Edward Caranza, ang tatlong suspek ay miyembro ng gun-for hire group na nag-ooperate sa Batangas at Metro Manila.  | ulat ni Leo Sarne

Photo courtesy: PNP CALABARZON