Tatlong dam sa Northern Luzon, nagpapakawala na ng tubig — PAGASA

Simula pa kaninang alas-6:00 ng umaga nagpakawala na ng tubig ang tatlong dam sa Northern Luzon habang nananalasa ang bagyong Rosita.

Kabilang sa nagpapakawala ng tubig ay ang Ambuklao Dam sa Bokod Benguet.  Pitong gate ang binuksan dito na may taas na 3.50 meters.

Kasalukuyang nasa 747.61 meters ang water elevation ng naturang dam mula sa normal water elevation nito na 752 meters.

Ang Binga Dam naman na nasa Itogon, Benguet ay nagbukas din ng anim na gate at tuloy-tuloy din na nagpapakawala ng tubig.   Nasa 569.78 meters ang water elevation sa kasalukuyan at malayo pa sa normal level na 575 meters.

Samantala , bahagya lang binuksan ang isang gate ng Magat Dam na nasa 188.55 meters ang water elevation nito.

Magpapatuloy ang pagpapakawala ng tubig sa tatlong dam hangga’t nanatili ang banta ng malakas na ulan ng bagyong Rosita.  | ulat ni Rey Ferrer