Tatlong bagong crane ng Philippine Ports Authority, sagot sa problema pa ring ‘congestion’ sa Manila International Container Terminal (MICT)

Inaasahan na palalakasin ng mga bagong crane ang kapasidad ng Philippine Ports Authority (PPA) sa kanilang paghawak sa operasyon sa pinakamalaking container terminal sa Pilipinas–ang Manila International Container Terminal (MICT).

Ayon kay PPA General Manager Jay Daniel Santiago, napapanahon ang pagdating ng tatlong bagong quay crane dahil ito ang sagot sa problema sa ‘congestion’ ng mga shipment sa naturang international container terminal.

Nitong Huwebes (June 7), nai-deliver sa PPA ang tatlong crane na gawa ng Shanghai Zhenua Heavy Industry Company Limited (ZPMC) at na pinakamalaking klase na mayroon ang MICT kumpara sa ibang port area sa bansa.

Dahil dito, umakyat na sa labing-anim ang kabuuang cranes sa MICT at madadagdagan pa ito ng walong Rubber Tire Gantry (RTG) cranes at dalawang quay cranes na inaasahang darating sa Nobyembre at unang kwarter ng taong 2019.

Ang acquisition ng mga bagong kagamitan sa Manila Port ay bahagi ng $80 million capital equipment program ng MICT.

Inihayag pa ni Santiago, susunod na bibilhan ng mga bagong gamit ang iba pang pantalan kaakibat ang layunin ng ahensya na gawing ‘globally competitive’ ang Pilipinas pagsapit ng taong 2020.  | ulat ni Shane Juan