Tatlo pang hacienda target ng ‘Oplan Bungkalan’ ng NPA, babala ng AFP

Nagbabala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na tatlo pang hacienda sa iba’t ibang panig ng bansa ang target ng New People’s Army (NPA) para sa kanilang “Oplan Bungkalan” tulad ng nangyari sa Hacienda Nene sa Sagay, Negros Occidental.

Ito ang inihayag ni AFP Spokesperson Brig. Gen. Edgard Arevalo sa gitna ng patuloy na pagtanggi ng NPA at ni Joma Sison na sila ang responsable sa pagkamatay ng siyam na magsasaka sa tinaguriang Sagay massacre.

Ayon kay Arevalo, batay sa imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP), ang nangyari sa Sagay ay classic case ng “Oplan Bungkalan” ng NPA.

Dito’y ipinain umano ng National Federation of Sugar Workers (NFSW) na kaalyaddong grupo ng NPA ang siyam na magsasaka sa iligal na pag-okupa ng lupaing sakahan na nagresulta sa kanilang kamatayan.

Giit ni Arevalo, hindi maikakatwa ng NPA ang kanilang responsibilidad sa insidente, at kasing “guilty” ng mga mismong bumaril sa mga magsasaka ang mga lider komunista.

Matagal na aniyang modus ng NPA na sadyang gamitin ang mga ganitong insidente para isulong ang kanilang propaganda laban sa pamahalaan.

Ayon kay Arevalo, inabisuhan na ng militar ang management ng tatlong haciendang susunod na target ng “Oplan Bungkalan” na kung mangyari ang katulad ng nangyari sa Sagay, ay resolbahin nila ito sa mapayapang paraan. | ulat ni Leo Sarne