Task Force na nag-iimbestiga sa mga korapsyon sa pamahalaan, hayaan na munang gawin ang kanilang tungkulin

Hayaan na munang magtrabaho ang Task Force na tumututok sa laban ng pamahalaan kontra korapsyon sa lahat ng tanggapan ng gobyerno.

Pahayag ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque nang tanungin kaugnay sa detalye ng mga DPWH project na ipao-audit ng pamahalaan.

Matatandaan kasi na sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipasisislip niya ang mga proyekto sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH), upang malaman kung alin sa mga ito ang ghost projects at upang mapanagot ang mga opisyal ng departamento na nanamantala sa pera ng mga Pilipino.

Ayon kay Secretary Roque, sa kasalukuyan ay wala pang ispesipikong detalye na inilalabas si Pangulong Duterte, o kung anong mga partikular na proyekto ang covered ng isasagawang auditing.

Kasama naman aniya ito sa tungkulin ng binuong task force kaya’t makabubuti aniyang hayaan munang gampanan ng mga ito ang kanilang katungkulan.