Task Force Davao, nananawagan sa publiko na maging alerto laban sa mga terorista

Umapela ngayon ang Task Force Davao sa mga Dabawenyo na manatiling mapagmatyag matapos ang pambobomba sa Lamitan, Basilan noong Martes na ikinasawi ng sampung katao at pagkasugat ng lima pa.

Nananawagan rin ang commander ng Task Force Davao, Colonel Nolasco Mempin sa publiko na agad i-report kung may napansin na kaduda-dudang tao na posibleng maghasik ng kaguluhan sa lungsod ng Davao.

Ayon pa kay Mempin, kinakailangan umano ang full support at kooperasyon mula sa lahat ng stakeholders sa pamamagitan ng pagiging alerto at pagrereport ng kahit na sinong kahina-hinalang indibidwal o di kaya’y naiwang bagahe.

Ayon pa kay Mempin, maaaring mag-report ang publiko sa mga security guard o di kaya sa mga police auxillary member sa kani-kanilang area at ang mga ito na ang magri-report sa mga pulis.

Patuloy pa rin na pinalalakas ng kasundaluhan ang intelligence gathering kahit walang report ukol sa presensya ng ISIS-linked groups sa lungsod.

Patuloy rin na ipinatutupad ng mga autoridad ang ‘heightened alert’ dahil ito ang bayan ni Pangulong Rodrigo Duterte. | ulat ni Ruth Dumandan – DXRP Radyo Pilipinas Davao