Task Force, binuo ng DA para sa clinical trial ng Ivermectin vs. ASF

Bumuo ng isang research team ang Department of Agriculture (DA), upang suriin ang potential ng anti parasitic drug na Ivermectin bilang panlaban, at pipigil sa paglaganap ng African Swine Fever (ASF) sa mga alagang baboy.

Sa ipinalabas na Special Order No. 310, series of 2021, ni Agriculture Secretary William Dar, nakasaad dito na ang research team ay magsasagawa ng research proposals hinggil sa paggamit sa Ivermectin, ASF Buster, Cloud Feed at iba pang potential products, para makontrol at mapigilan ang paglaganap ng ASF

Magsasagawa din ang grupo ng preliminary field trials sa Ivermectin at iba pang agents, para makakuha ng science-based evidence na kokontrol sa ASF

Ang grupo ay kabibilangan ng technical advisers na sina Agriculture Undersecretary William Medrano, National Livestock Program Director Dr. Ruth Miclat-Sonaco, at Bureau of Animal Industry Officer-in-Charge Director, Dr. Reildrin Morales.

Si BAI OIC-Assistant Director Dr. Rene Santiago ay itinalagang program leader, at si Philippine Carabao Center OIC-Deputy Executive Director for Production and Research Dr. Claro Mingala, bilang assistant program leader.

Ang project leaders ng research team ay sina National Dairy Authority Deputy Administrator Dr. Farrel Benjelix Magtoto, Pampanga State Agricultural University Associate Professor Dr. Rogelio Carandang Jr., at BAI Livestock Research and Development Division chief Dr. Marivic de Vera.

Ang research team ay bubuo ng draft science-based policies para sa national guidelines, sa paggamit ng Ivermectin at ibang agents hinggil sa pagkontrol at pagpigil sa ASF.

Naging kontrobersiyal ang gamot na Ivermectin nang magsagawa ng pamamahagi nito sa publiko sa Quezon City, na sinasabing maaaring gamiting panggamot sa COVID-19.

Wala pang malinaw na basehan ang Food and Drug Administration hanggang ngayon, kung ang Ivermectin ay maaaring gamitin para sa mga tao.