Task force against insurgency, binubuo na – AFP Chief

Binubuo na ang ipatutupad na plano ng National Task Force na layuning wakasan ang insurgency alinsunod sa Executive Order No. 70 ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang inihayag  ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief Lt. Gen. Benjamin Madrigal, Jr., na sinabing nakapagsagawa na ng serye ng pagpupulong ang AFP at iba pang mga stakeholder upang ipatupad ang nakasaad sa naturang kautusan ng pangulo.

Ayon kay Madrigal, tiwala siya na sa pamamagitan ng “whole of nation approach” na kinabibilangan ng iba’t ibang sektor ay masosolusyunan ang pinaka-ugat ng local insurgency.

Ayon kay Madrigal, malaki na ang tagumpay ng pamahalaan sa pagsugpo sa kilusang komunista kung saan batay sa consolidated report ng AFP ground units nitong 2018 ay umabot na sa 12,017 CPP-NPA members at supporters ang nutralisado.

Sa bilang na ito 130 ang napatay at 264 ang nahuli sa lehitimong security at law enforcement operations. Habang 11,623 naman ang sumuko, kabilang ang 1,227 regular NPA fighters; habang 1,920 assorted firearms ng mga komunista ang narekober ng AFP, at 316 na kampo ng mga ito ang nabuwag.

Ayon kay Madrigal, bukod sa pakikipaglaban sa mga rebeldeng komunista mahalaga rin na tutukan ang mga komunidad upang hindi mahikayat ang mga ito sa propaganda, exploitation at recruitment ng kilusang komunista. | ulat ni Leo Sarne