Tangkang pagsalakay ng teroristang BIFF sa Datu Paglas, Maguindanao, nahadlangan ng militar

Nahadlangan ng pinagsanib na pwersa ng 33rd Infantry Makabayan Battalion, 1st Mechanized Infantry Battalion, at 4th Special Action Battalion ng Philippine Army ang tangkang pagsalakay ng teroristang BIFF sa Datu Paglas, Maguindanao kahapon.

Sa ulat ni Lt. Col. Harold Cabunoc, Commander ng 33rd IB, matagumpay na nakasugapa ng pwersa ng militar ang malaking grupo ng BIFF na pinamumunuan ni Sulaiman Tudon sa Sitio Mopac, Brgy. Poblacion, kahapon ng alas-5:00 ng umaga.

Nabawi ng militar ang mga bayan na inokupahan ng mga terorista, isang kilometro lang ang layo mula sa munisipyo ng Datu Paglas, makalipas ang kalahating araw na bakbakan.

Apat na terorista ang napatay sa naturang enkwentro at dalawa ang sugatan habang nagsitakas patungo sa bulubunduking lugar ang nalalabing pwersa ng kalaban.

Sa panig ng militar ay dalawang sundalo at isang CAFGU ang bahagyang nasugatan.

Nakumpiska at nadisarmahan ng mga tropa ang tatlong improvised explosive device (IED) na gagawin sanang ‘booby trap’ kontra sa mga sundalo.

Ipinag-utos ni 6th Infantry Division Commander Brig Gen. Cirilito Sobejana ang tuluy-tuloy na pagtugis sa mga BIFF na nanggulo sa lugar. | ulat ni Leo Sarne