Tamaan na kung sino ang tamaan, sa pagbubunyag ng Senado ng mga ‘ninja cops’ — PNP Spox Banac 

Tamaan na kung sino man ang tatamaan.

Ito ang inihayag ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson P/Brig. Gen. Bernard Banac kaugnay ng gagawing pagbubunyag ng Senado ng mga pangalan ng mga ‘ninja cops’.

Sa isang statement, sinabi ni Banac na ginagalang ng PNP ang desisyon ng Senado na isapubliko ang naturang impormasyon.

Iniulat na nakuha ng mga senador ang mga pangalan ng mga pulis na umano’y involved sa recycling ng droga sa isang executive session noong nakaraang linggo.

Kabilang sa impormasyong sinasabing nakuha ng mga senador ang pangalan ng isang mataas na aktibong opisyal ng PNP na protektor umano ng mga ‘ninja cops’.

Umapela naman si Banac sa Senado na mag-exercise ng “due diligence” sa kanilang gagawing pagbubunyag upang maiwasan ang “undue persecution” ng mga papangalanan nila.

Tiniyak ni Banac na pagnanais ng PNP na makamit ang hustisya, katarungan, at maayos na pamamahala sa pagbubunyag ng mga pangalan ng mga tinaguriang ‘ninja cops’.