Taguig-Pateros District Hospital, tumatanggap pa ng COVID-19 patients

Nananatiling bukas ang Taguig-Pateros District Hospital (TPDH) para sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19, na kritikal ang kondisyon.

Ayon kay Taguig City Mayor Lino Cayetano, 110 beds lang ang capacity ng lokal na pagamutan, ngunit ginawa na itong 130 para i-accommodate ang moderate hanggang severe cases.

Bukod sa sampung ventilators na binili ng city government para sa TPDH, ay nag-upgrade din aniya ng pasilidad at nagtayo ng modular tents sa expansion area.

Nasa 105 mula sa 130 COVID-19 beds ang okupado ngayon sa TPDH.

Paliwanag pa ni Cayetano, patuloy na tumatanggap ng mild at asymptomatic patients ang itinalagang quarantine facilities, tulad ng Lakeshore Hotel at Taguig City Private Facility.

Sa tala ng City Epidemiology and Disease Surveillance Unit, ay 314 ang binabantayang active cases ng COVID-19 sa Taguig habang mababa pa rin ang case fatality rate, na naitala sa 1.15 percent.