Taguig LGU, susunod sa direktiba ukol sa di pagsasapubliko ng COVID vaccine brand

Tatalima ang Lokal na Pamahalaan ng Taguig sa direktiba ng Department of the Interior and Local Government (DILG), na huwag nang banggitin sa publiko ang brand ng COVID-19 vaccine na gagamitin.

Ayon kay Taguig City Mayor Lino Cayetano, suportado nila ang panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag mamili ng vaccine brands.

Lahat naman aniya ng brand ng bakuna, ay 100 porsiyentong poprotekta laban sa severe COVID-19 cases at sa kamatayan.

Iginiit ng alkalde, na tanging ang mga tuturukan ng second dose ang makakaalam ng brand na gagamitin.

Sa ngayon, ay may mga residenteng binabakunahan ng second dose ng AstraZeneca at Sinovac.

Sputnik V naman ang ituturok para sa second dose sa susunod na linggo sa Taguig.

Umabot na sa 59,160 ang bilang ng mga residenteng nabakunahan sa lungsod, pero ang target eligible individuals ay tinatayang nasa 630,000.