Taguig City Prosecutor, kumpiyansa na mababasura ang bail petition ng mga akusado sa Roxas Night Market bombing

Kumpiyansa ang Taguig City Prosecutor’s Office na mababasura ang bail petition ng pitong akusado sa Roxas Night Market bombing.

Ayon kay Prosecutor Vincent Villena, malalakas ang ebidensiya na naiprisenta laban sa pitong nahuling suspek na umano’y miyembro ng Maute Group na sila Wendel A. Facturan, Musali U. Mustapha, TJ T. Macabalang, Zack Jaron V. Lopez, Jessy Vincent G. Original, Jackson M. Usi at Alisa A. Mamasapano.

Prosecutor Vincent Villena

Taguig City Prosecutor's Office, kumpiyansa na mababasura ang bail petition ng pitong akusado ng Roxas Night Market Bombing, sa Davao. | via Sheila Lisondra|RP1 Davao

Posted by Radyo Pilipinas on Sunday, September 1, 2019

Samantala, inamin rin ni Villena, na nakapag-file na sila ng motion to discharge para sa isa sa mga suspek na naging state witness na nagbulgar ng halos lahat ng kanilang ginawa mula sa pagpaplano hanggang noong gabi ng Setyembre 2, 2016, kung saan 15 ang namatay kasama ang isang buntis.

Ang mga akusado ay kasalukuyang nakadetine sa Camp Bagong Diwa matapos ilipat mula sa Davao City dahil sa seguridad.

Laman ng kanilang petisyon ay ang pag-atake sa kredibilidad ng state witness.

Ngunit sinabi ni Villena, hindi sapat ang argumento ng mga akusado laban sa kanilang dating kasamahan dahil maliban sa nabanggit, may iba pang iprinisentang witness ang prosecution gaya ng mga biktima at police officers na siyang nag-imbestiga sa kaso.

Sa ngayon, ay hinihintay na lamang ang magiging desisyon ng korte hinggil sa petition for bail ng mga ito.

Si Villena kasama ang iba pang prosecutor sa Taguig City, ay kasama sa paggunita kahapon sa ikatlong taon ng madugong pambobomba sa Roxas Night Market sa Davao City.