Taguig City gov’t, kinumpirmang 1 simbahan ang nagsagawa ng mass gathering sa BGC 

Mariing itinanggi ng lokal na pamahalaan ng Taguig na may kinalaman ito sa isang mass gathering sa Bonifacio Global City kung saan namahagi ng cash assistance sa mga residente.

Sa kumakalat kasing video sa social media ay hindi nasunod ang social distancing sa distribusyon ng ayuda matapos dumagsa ang mga tao.

Ayon sa Taguig Public Information Office, napag-alaman nila na isang church organization sa BGC ang nanguna sa mass gathering sa pakikipagtulungan ng Caritas.

Nakipag-ugnayan na umano sila sa simbahan para ipaalam sa kanila ang anumang plano ng pamamahagi ng tulong upang sa susunod ay makakaagapay ang city government.

Makikipag-usap din sa religious organizers ang LGU upang masunod ang social distancing sa pagbibigay ng financial assistance.

Sa datos ng Taguig City government, 116 ang kumpirmadong kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa lungsod.

Lima naman ang naitalang recoveries mula sa COVID-19 kung saan dalawa sa mga ito ay napag-alamang mga doktor kaya patuloy ang pagsaludo ng LGU sa frontliners at health workers dahil sa sakripisyo ng mga ito para lamang makapagserbisyo.