Oposisyon, hinamon ng Palasyo na makipag-debate na lang kaysa daanin sa “destructive politicking” ang paninira sa Pangulo

Sa halip na mag-ingay, mas makabubuti para sa oposisyon na humarap na lang ito sa debate at doo’y ilahad ang mga plataporma nito na maaaring pakinabangan ng mga Pilipino lalo’t panahon na ng eleksiyon.

Tugon ito ng Palasyo sa gitna ng inaasahan na nilang gagawing “political noise” ng mga nasa oposisyon at kritiko ng Administrasyon, na inuumpisahan na ni Senador Antonio Trillanes.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, sawa na ang mga tao sa istilo ng oposisyon na “destructive politicking” na aniya’y bumubwelta rin sa pagmumukha ng mga bumibira kay Pangulong Duterte.

Sampal ani Panelo ang patuloy na pamamayagpag ng Chief Executive sa survey, na nagpapakitang mas marami pa ring mga Pilipino ang nagtitiwala at kuntento sa performance ng Pangulong Duterte.

Binigyang diin ng Malacañang na para maiba naman, makabubuting daanin na lang sa debate ang usapan kaysa daanin sa pag-iingay gaya ng ginagawa ni outgoing Senator Trillanes na tinawag na baliw ang Punong Ehekutibo.

Buwelta naman ng Palasyo dito, baka sarili niya ang tinutukoy dito ni Trillanes nang tawagin niyang baliw ang Pangulo. | ulat ni Alvin Baltazar