SWS survey sa pagganda ng pamumuhay ng maraming Pilipino sa nagdaang taon, panggising sa mga kritiko

Itinuturing ng Malacañang na isa na namang panggising sa mga kritiko ng Pangulong Rodrigo Duterte ang inilabas na survey ng SWS na nagsasabing mas maraming mga Pilipino ang gumanda ang pamumuhay sa nagdaang 12 buwan.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, na ang naturang survey result ay isang pagpapatibay din sa mga ikinasang research na sadyang nabawasan na ang mga Pilipinong nagsasabing sila ay mahirap.

Dahil dito’y hindi ani Panelo kataka-taka na patuloy na nakukuha ng Pangulong Duterte ang suporta at pagmamahal ng mga Pilipino, kahit ngayong siya’y nasa kalagitnaan ng kanyang termino.

Sa kabilang banda’y ito aniya ang hindi naman nakikita ng kanyang mga kritiko gaya ng grupo ng makakaliwa, mga militanteng miyembro ng simbahan at oposisyon, na nananatiling sarado ang mga mata sa mga ginagawa ng Presidente.

Pero sa harap ng positibong survey, inihayag ni Panelo na hindi magpapahinga ang pamahalaan at patuloy itong magta-trabaho para mabigyan ng komportableng buhay ang mga Pilipino.  | ulat ni Leo Sarne