Susunod na quarantine classification sa NCR+ bubble, di pa kabilang sa Talk to the People mamaya

Magsasagawa ng Talk to the People si Pangulong Rodrigo Duterte mamayang gabi, na gaganapin sa Davao City, kung saan inaasahang tatalakayin ng Pangulo ang COVID-19 situation update sa bansa.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi naman inaasahan na mapabibilang sa matatalakay ng Pangulo mamaya ang susunod na quarantine classification ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal (NCR Plus bubble), na nakatakdang mapaso sa May 14.

Paliwanag ng kalihim, pag-uusapan pa ng Inter Agency Task Force (IATF) ang kanilang magiging rekomendasyon kay Pangulong Duterte, hingil dito.

Gayunpaman, tiniyak ng kalihim na bago mag May 15 ay maiaanunsiyo na rin ito ng Pangulo.

Samantala, sa kalalabas lamang na IATF resolution, simula ngayong araw, May 10, ay ipasasailalim sa MECQ ang Apayao, Benguet, at Cagayan, tatagal ito hanggang May 23, 2021.