Susunod na quarantine classification para sa NCR+ bubble, at mga umiiral na temporary travel ban ng Pilipinas, matatalakay sa public address ng Pangulo mamayang gabi

Mayroon nang rekomendasyon ang Inter-Agency Task Force (IATF) kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa susunod na quarantine classification ng mga lugar sa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nagsagawa ng pulong ang IATF ngayong araw para dito.

Tulad ng nakagawian, nakabase pa rin sa siyensiya, datos, health care utilization rate, attack rate, at two week growth rate ng COVID-19 ang rekomendasyon ng IATF.

Inaanunsyo ni Pangulong Duterte ang desisyon sa kaniyang Talk to the Nation mamayang gabi.

Samantala, posible rin aniyang matalakay ng Pangulo mamaya kung palalawigin pa ang mga umiiral na travel ban sa ilang mga bansa, laban sa variant ng COVID- 19.