Suspensyon ng klase sa Davao City, ilang bahagi ng Davao del Norte at Cotabato Province, ipinag-utos ngayong araw matapos yanigin ng lindol kagabi 

Ipinag-utos ng mga local na opisyal ng Davao City, ilang bahagi ng Davao del Norte at Cotabato Province na suspindihin ang klase matapos yanigin ng lindol kagabi.

Naglabas si Mayor Sara Duterte ng kanyang kautusan kagabi sa pangambang nagdulot ng pagkasira sa mga gusali o electrical damages ng mga paaralan sa lungsod.

Ipinag-utos din ng alkalde sa lahat ng mga nagmamay-ari at mga tagapamahala ng mga paaralan na ipasuri sa mga eksperto ang kanilang mga gusali pati na linya ng kuryente para masiguro na ligtas ang mga ito.

Kapag may nakitang depekto, kailangan na nilang i-condemn ang mga gusali at huwag nang gamitin para na rin sa kaligtasan ng kanilang mga mag-aaral.

Pinapasuri din ni Island Garden City of Samal (IGACoS) Mayor Al David Uy ang lahat ng kanilang paaralan ngayong araw sa kanilang lungsod.

Ayon kay Uy pangungunahan ng City Disaster Risk Reduction Management Office at City Engineer’s Office ng IGACoS ang pag-iinspeksyon sa mga paaralan ngayong araw.

Ganito rin ang ginawa ng bayan ng Santo Tomas, Davao del Norte, para mabigyan ng tamang panahon ang Municipal Disaster Risk Reduction Office, Municipal Engineers’ Office na tignan ang lahat ng gusali ng mga paaralan dito.

Ayon kay Sto. Tomas Mayor Ernesto Evangelista agad na aayusin ang mga paaralang makikitaan ng sira para sa kaligtasan ng mga mag-aaral at mga guro.

Ipinag-utos din ni Evangelista sa lahat ng Barangay officials na magsagawa ng pagsusuri sa paaralan sa kanilang mga nasasakupan pati na rin ang mga barangay hall bilang parte ng safety protocol.

Inutusan naman ni Cotabato Province Acting Gov. Emmylou Taliño-Mendoza, ang lahat ng opisyal ng mga bayan at lungsod na niyanig ng lindo na ipatigil ang klase.

Kasama rin sa utos ng gobernador ang pagsasagawa ng assessment sa mga posibleng pagkasira ng mga ari-arian sa kanilang mga nasasakupan.

Kaugnay ng naturang balita, inanunsyo naman ni Department of Education (DepEd) Davao City Schools Division Superintendent Maria Ines Asuncion na may pasok pa rin ang mga guro sa mga pampublikong paaralan sa lungsod.

Ayon kay Asuncion, ito’y para agad na maayos kung anumang problema ang makita sa kanilang mga gusali.

Nilinaw naman nito na pwede naman silang umuwi agad pagkatapos nitong magpalista sa kanilang attendance dahil wala namang klase.