Suspensiyon sa excise tax sa produktong petrolyo kasunod ng Saudi oil field attack, ‘di pa ikinukunsidera

Wala pang nakikitang rason ang economic team ng administrasyon para ikunsidera ang posibleng paglabas ng rekomendasyong suspendihin ang excise tax sa mga produktong petrolyo sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration Inclusion o TRAIN law.

Sa economic briefing sa Malacañang, sinabi ni Finance Undersecretary Karl Chua, na mahigpit na minomonitor ng economic team ang sitwasyon sa gitnang silangan kasunod ng nangyaring drone attack sa mga oil field ng Saudi Arabia.

Paliwanag ni Chua, na base sa itinatakdang probisyon ng TRAIN law, magkakaroon lamang ng suspensiyon sa excise tax kung umabot na sa 80 dollars kada bariles ang presyo ng krudo sa World Market.

Batay aniya sa pinakahuling ulat, bumalik na sa normal ang operasyon ng pinasabog na oil fields sa Saudi Arabia at nananatiling nasa 64 dollars kada bariles ang presyo ng krudo sa international market, bagay na malayo sa treshold price na 80 dollars per barrel.

Magugunitang nagpahayag ng pagkabahala ang mga negosyante at nasa energy sector, na maaaring sumipa pataas ang presyo ng mga oil products dahil sa pag-atake sa mga oil fields sa Saudi Arabia na makakaapekto sa presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo sa bansa.