Suspensiyon ng excise tax, tuloy kahit bumaba na ang presyo ng langis

Tuloy ang suspensiyon ng paniningil ng excise tax sa mga produktong petrolyo sa susunod na taon.

Ito ay sa kabila ng sunod-sunod na oil price rollback, na naitala sa nakalipas na apat na linggo bunsod ng pagbaba sa presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan.

Paliwanag ni Finance Assistant Secretary Tony Lambino, nakapag-sumite na kasi sila ng rekomendasyon noong panahon na ang naging pagtaya nila ay posibleng lumampas pa sa $80 per barrel ang presyo ng langis sa world market.

Kaya kahit patuloy na bumababa ang halaga ng langis sa pandaigdigang pamilihan, hindi na nila babawiin pa ang pagsususpinde ng excise tax collection sa 2019.

Sinabi naman ni Energy Secretary Alfonso Cusi, na batay sa forecast ng international market, hindi na papalo pa sa $80 ang presyo ng kada bariles ng langis sa world market, at ang nakikita ay papalo na lamang sa $70 per barrel ang pinakamataas na presyo nito sa pandaigdigang pamilihan. | ulat ni Alvin Baltazar