Suspek sa walang habas na pagtatapon ng bunton ng basura sa Divisoria, arestado

Iprinisinta ngayong hapon sa media ang naarestong suspek dahil sa walang habas na pagtatapon ng basura sa Divisoria kagabi.

Kinilala ang naarestong driver na si Nonito Agara, animnapung taong gulang at residente ng Pasay City.

Ayon kay PMajor Rosalino Ibay Jr., nahuli sa akto ng mga traffic enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang suspek na ibinababa sa mini elf ang bunton ng mga basura sa Asuncion St. malapit sa kanto ng CM Recto Avenue sa Binondo.

Ayon sa suspek, galing umano sa iba’t ibang supermarket sa Pasay ang mga basura.

Giit pa ng suspek ay napag-utusan lang naman umano siya na itapon ito sa Divisoria.

Kasalukuyan nang inimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) ang motibo at ang mga nasa likod ng pagtatapon ng basura.

Kakasuhan ang suspek ng paglabag sa Republic Act. 9003 o An Act providing for en Ecological Waste Management Program.