Suspek sa “rent-sangla/rent-tangay” scam na nambiktima ng mga kaibigan, arestado ng HPG

Inaresto ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG), ang suspek sa rent-sangla/rent-tangay scam na nambiktima ng kanyang mga kaibigan at dating kaklase sa isang entrapment operation kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni PNP HPG Director Police Chief Supt Roberto Fajardo, ang suspek na si Ronald Punzalan na kinasuhan ng 9 counts ng estafa at carnapping.

Modus nito na rentahan ang sasakyan ng kanyang mga kaibigan at dating kaklase sa kolehiyo sa halagang P25,000, at kapag nakuha na ang sasakyan ay ibebenta naman ito sa pangalawang biktima sa halagang P300,000 hanggang P400,000.

Ayon kay Fajardo, sampung complainants na ang nagtungo sa kanilang tanggapan para magreklamo, kung saan ilan sa mga ito ay natangayan ng dalawa hanggang tatlong sasakyan.

Umaabot na sa halagang P50 million ang natatangay ng suspek sa mga biktima nito.

Sa ngayon ay inihahanda na ng PNP HPG ang ilan pang dokumento at reklamo sa kasong syndicated estafa na isasampa sa biktima nang walang piyansa.

Paalala ni Fajardo sa publiko, mag-ingat sa mga sasakyang binebenta sa sobrang baba ang halaga, para hindi mabiktima ng ganitong modus. | ulat ni Leo Sarne