Suspek sa pamamaril at pagpatay sa Mayor ng Buenavista, Bohol, tukoy na – PNP chief

Natukoy na ang suspek sa pamamaril at pagpatay nitong Linggo sa alkalde ng Buenavista, Bohol na si Mayor Ronald Tiro.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Police Director General Oscar Albayalde, ang body guard ng napaslang na mayor ang nagbigay ng pagkakalilanlan ng suspek na aniya’y siya ring responsable sa pananambang sa mayor noong 2015.

Sa ngayon ay alam na ng PNP ang identity ng isa sa mga suspek na pinaghahanap na.

Si Tiro ay binaril ng mga suspek sa loob ng sabungan sa bayan ng Clarin bandang alas tres ng hapon ng Linggo. 

Nagtamo ng dalawang tama ng bala sa ulo ang biktima at hindi na umabot ng buhay sa ospital.

Kaugnay nito inatasan ni Albayalde ang lahat ng regional directors sa buong bansa na magbuo ng task force na tututok sa mga kaso ng pagpatay sa mga opisyal ng gobyerno.

Partikular na pinatututukan ng PNP chief ang mga kaso ng prosecutors at ng mga halal na opisyal. | ulat ni Leo Sarne