Suspek sa pagpatay sa pulis ng PNP Crime Lab, arestado sa Antipolo

Dalawang araw makalipas ang pagbaril at pagpatay sa pulis ng PNP Crime Lab na si PO3 Don Carlo Mangui, nahuli na ng Antipolo Police ang suspek sa Antipolo.
 
Ang suspek na iprinisinta sa Camp Crame ngayong umaga ni PNP Chief Dir. Gen. Oscar Albayalde at PRO 4A Director Guillermo Eleazar ay kinilalang si Crispin Pormal Corpin ng Chico St., Purok Sumulong, Brgy. Dela Paz, Antipolo City.
 
Inaresto ang suspek kahapon ng alas 9 ng umaga sa San Isidro, Antipolo, Rizal.
 
Si Corpin umano ang bumaril sa ulo ni PO3 Mangui habang nakikipag-inuman ang pulis sa kanyang mga kaibigan sa harapan ng kanyang bahay pasado ala-una ng madaling araw noong Linggo na nagresulta sa agarang pagkamatay ng pulis.
 
Sa pagtatangkang tumakas ng suspek at kanyang mga kasama, binaril pa sa mukha ng suspek ang isa pang biktima na nakaligtas na si Christ Talosig Baquiran habang pasakay ito sa kanyang motorsiklo sa may gawi ng Marcos Highway.
 
Kasalukuyang pinaghahanap ng PNP ang dalawa pang kasamahan ni Corpin na kinilalang sina Archie Calagday Casas alyas Jovan at Alvin Dolim na kapwa nakatira sa Chico St., Purok Sumulong, Brgy. Dela Paz, Antipolo City. | via Leo Sarne