Suspek sa pagpatay sa judge sa Zamboanga, iprinisenta ng NBI

Iprinisenta ngayong araw ng  National Bureau of Investigation (NBI) ang suspek sa pagpatay kay Judge Reymar l. Lacaya.

Naaresto ang suspek kahapon sa Mati, Davao Oriental sa isinagawang operasyon ng Naval Intelligence Service Group Eastern Mindanao at ng NBI Tagum District Office at PNP Regional Intelligence Division.

Kinilala ang suspek na si Julier Cabating na empleyado ng RTC Branch 28  na kung saan nagtatrabaho rin si Lacaya bilang presiding judge.

Ayon sa NBI, nagsilbi umanong lookout ng mga gunman si Cabating noong May 9, 2019, kung saan pinagbabaril ang judge sa compound ng RTC dahil pamilyar ang suspek sa loob at labas ng RTC.

Dagdag pa ng NBI, may CCTV at testigong nagsabi na nakita umano si Cabating na may kasamang dalawang suspek na tila armado malapit sa RTC bago nangyari ang pamamaril.

Napag-alaman ding dating driver ang suspek ng noo’y RTC presiding judge na si Oscar D. Tomarong, na ayon sa NBI ay kaalitan ng napatay na judge.

Kaya ayon sa NBI ay kasama na ang dating presiding judge sa mga persons of interest sa nangyaring pamamaril.

Ayon kay Ferdinand Lavin, deputy director for forensic investigation, isang hamon para sa NBI ang nasabing imbestigasyon, dahil nasasangkot si Tomarong na isang dating NBI agent bago naging judge.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang suspek, ngunit ayon sa NBI ay nagtago umano ito sa Mati, Davao Oriental dahil may banta na umano sa kanyang buhay.