Suspek sa pagpatay sa isang mamamahayag sa Masbate, nahuli na ng pulisya

Naaresto na ng mga autoridad ang suspek sa pagpatay sa isang mamamahayag sa Masbate noong Marso 2017.

Kinilala ang suspek na si Antonio Del Rosario alyas Ronnie o Panoy, tatlumpung taong gulang at residente ng Barangay Tandang Sora, Quezon City.

Suspek siya sa pagpatay sa Dos por Dos Remate tabloid reporter Joaquin Briones sa Masbate noong Marso 13, 2017.

Alas siyete ng umaga kahapon nang masakote ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Masbate ang suspek sa isang fastfood chain sa Visayas Avenue sa Quezon City.

Napag-alaman ring miyembro ito ng Sako Criminal Gang at sangkot sa ilang kaso ng pagnanakaw, holdup at gun for hire.

Agad rin namang naaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Masbate RTC Branch 44 para sa kasong murder.

Dinala ang suspek na si alyas Panoy sa CIDG DSOU sa Kampo Crame para doon pansamantalang idetine at para sa dokumentasyon bago sya’y ibalik sa Masbate. | ulat ni Nimfa Mae Asuncio