Suspek sa pagpatay sa 5-taong gulang na estudyante, arestado

Inaresto ng mga tauhan ng San Jose Del Monte (SJDM) Police Station sa Brgy. Sto. Cristo kaninang alas-2:20 ng madaling araw ang suspek sa pagpatay sa 5-taong gulang na kinder student.

Sa ulat ni P/LtC. Orlando Castil, hepe ng SJDM police, na nakarating sa Camp Crame, kinilala ang suspek na si Eman Lambuhon, 24, na umano’y dumukot at pumatay sa batang biktima noong Linggo.

Una umanong tinangka ng suspek na gahasain ang biktima noong Linggo, pero hinabol ito ng ina ng biktima kaya tinangay niya na lang ang bata.

Iniulat na lango sa ilegal na droga ang suspek noong panahong iyon.

Natagpuan na lang sa isang talahiban sa Bgy. Kaypian kahapon ang mga labi ng bata na namatay dahil sa pukpok ng bato sa ulo.

Kasalukuyang isasailalim sa inquest proceedings ang suspek na mahaharap sa kasong murder.