Suspek sa pagpatay kay dating La Union Cong. Eufronio Eriguel, arestado ng PNP

Arestado na ng PNP ang suspek sa pagpatay kay dating La Union Congressman Eufronio Eriguel.

Ito ang inanunsyo ni PNP Chief PDG Oscar Albayalde sa isang press briefing sa Camp Crame kasabay ng pagkumpirma na election related ang pamamaril sa dating congressman.

Ang arestadong suspek ay kinilalang si Felizardo Villanueva alyas Rambo na tumakbong barangay chairman sa Capas, Agoo La Union.

Hinala ng PNP chief, personal na galit ang motibo ng suspek dahil hindi ito inendorso ni Eriguel noong panahon ng kampanya.

Binaril at napatay si dating Congressman Eriguel kasama ang kanyang dalawang bodyguard noong Sabado habang nagtatalumpati sa miting de avance sa Agoo La Union. | via Leo Sarne