Suspek sa Cotabato City bombing, sumuko na

Sumuko na sa mga otoridad ang isa sa dalawang suspek sa December 31 South Seas Mall bombing sa Cotabato City.

Ayon kay Region 12 Director PCSupt. Eliseo Tam Rasco, sumuko sa mga otoridad ang suspek matapos na makita nito ang kanyang sarili sa inilabas na larawan ng Philippine National Police (PNP) mula sa kuha ng CCTV footage ng mall.

Kinilala ni Rasco ang suspek na si Salipudin Pasandalan 56-anyos residente ng Cotabato.

Itinanggi naman ng suspek ang kanyang partisipasyon sa krimen, at sinabing sumuko lang siya dahil natatakot siya para sa kanyang buhay matapos na ilabas ang kanyang larawan.

Ayon naman sa PNP sa ngayon ay circumstancial evidence pa lang ang hawak nila laban kay Pasandalan dahil nakunan lang siya ng CCTV na nasa sa comfort room at lotto outlet habang nandoon din sa dalawang lugar ang suspek na nag-iwan ng bomba.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng PNP sa insidente na ikinasawi ng dalawa katao at ikinasugat ng mahigit sa 30.  | ulat ni Leo Sarne