Suspected Gensan bomber, patay sa joint operation ng otoridad sa Saranggani

Napatay kaninang umaga sa pinagsanib na operasyon ng Saranggani Provincial Police Office, PRO 12, Philippine Army at National Intelligence Coordinating Agency (NICA) ang isa sa pinaghihinalaang nasa likod ng pambobomba noong September 16 sa General Santos City na ikinasugat ng walong katao.

Sa report na ipinadala sa Camp Crame ni PRO 12 Regional Director Pssupt Eliseo Tam Rasco, kinilala ang napatay na teroristang si Bassir Sahak, na miyembro ng ISIS inspired Ansar Al-Khilafa Philippines (AKP).

Batay sa report, si Bassir at ang kanyang amang kapwa miyembro ng AKP na si Kupang Sahak, ay nakaengkwentro ng mga operatiba ng pamahalaan sa Sitio Lebe, Brgy. Daliao, Maasim, Sarangani Province, kaninang alas-5:55 ng umaga.

Sa pagpapalitan ng putok, napatay si Bassir, pero nakatakas ang kanyang amang si Kupang.

Ipinag-utos ni General Rasco ang isang manhunt operation para madakip ang nakatakas na terorista.

Narekober sa pinangyarihan ng engkwentro ang isang m16 rifle, mga bala at magazine, cellphone, backpack at ilang sangkap sa paggawa ng bomba.

Sa intelligence information ng mga otoridad, ang  napatay na si Bassir ang nagsisilbing finance chief ng teroristang grupo na siya ring nakikipag-usap sa kanilang counterpart sa gitnang silangan. Ito rin ang nangangasiwa sa pagbili ng mga bala at armas. | ulat ni Leo Sarne