Survey na nagsasabing bumaba ang bilang ng mga Pilipinong nagsasabing sila’y mahirap, ikinagalak ng Malacanang

Ikinatuwa ng Malacañang ang survey result ng SWS para sa first quarter ng taong 2018 na nagsasabing bumaba ang bilang ng mga Pinoy na nagsasabing sila’y mahirap.
 
Sa statement na ipinadala ni Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque, inihayag nitong pagpapakita lang ito na tuloy-tuloy na nagbubunga ang pagsisikap ng administrasyon upang mapagaang ang buhay ng bawat Pilipino.
 
Batay sa survey, lumabas na 42 percent mula sa 44 percent noong December 2017 ang nagpahayag na sila’y mahirap.
 
Bukod dito’y nabawasan din ang nagsabing pang-mahirap ang makikita sa kanilang hapag-kainan na mula sa dating 32 percent ay bumaba ng 29 na porsiyento.
 
Inihayag ni Roque na itinuturing nila itong hamon upang mas magtrabaho pa at pahusayin pa ng administrasyon ang mekanismo sa social protection na pakikinabangan ng mga Pilipino.
 
Kabilang dito ang de kalidad na health care program, conditional cash transfer gayundin ang pagtutok sa pagpapaunlad sa mga kanayunan. | via Alvin Baltazar