Survey sa ginagawang pagbabakuna ng pamahalaan, di na dapat gawing kumplikado — Sec. Panelo

Iminungkahi ni Presidential Chief Legal Counsel Salvador Panelo na sana’y gawing simple na lamang ang ginagawang survey na may kinalaman sa vaccination program ng pamahalaan.

Ito’y sa harap ng hindi pa rin ganap na nahihikayat ang lahat para sumailalim sa pagbabakuna kontra sa COVID 19.

Ayon kay Panelo, masyado aniyang maraming tanong partikular sa kamakailang inilabas na resulta ng SWS survey hinggil sa kung gaano karaming mga Pilipino ang kuntento sa vaccination program ng pamahalaan.

Sana ayon kay Panelo ay nagpokus na lang sa dalawang tanong ang SWS survey at ito ay kung bakit mayroon pa ring ayaw magpabakuna at sa kung bakit disidido naman ang iba na makabenepisyo sa programa. 

Kaugnay nito’y una na ding nagbigay ng pahayag ang Palasyo na magpapatuloy ang information drive tungkol sa bakuna at maaaring muling makita ang appearance dito ni Pangulong Duterte.