Supplemental budget na hihingin sa kongreso sa pagtugon sa COVID- 19, di pa napagu- usapan

Inaasahan ng Palasyo na isusumite sa loob ng linggong ito ni Budget Secretary Wendel Avisado, kung magkanong halaga ang maaaring ma-realign sa Executive branch, alinsunod sa Bayanihan to Heal As One Act, sa gitna pa rin ito ng nagpapatuloy na pagtugon ng pamahalaan sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

“Wala pa po but this week I expect Secretary Wendel Avisado to come up with the figures kung magkano iyong pupuwedeng mai-realign sa Executive branch pursuant to the Bayanihan We Heal as One Act.” —Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sa sandaling maisumite na ito ni Secretary Avisado, saka pa lamang mai-estimate ng pamahalaan kung magkano pa ang kakailanganing pondo at kung magkano ang hihinging supplemental budget sa kongreso.

“Pagkatapos po noon kung alam na natin kung magkano iyong pupuwedeng nating i-realign then saka natin mae-estimate kung ano pa iyong mga pangangailangan natin at kung magkano ang hihingin na supplemental budget.” —Secretary Roque.

Gayunpaman, nilinaw ng kalihim na sa kasalukuyan, hindi pa natatalakay ng IATF ang usapin kaugnay sa paghingi ng supplemental budget sa kongreso para sa COVID-19 response.

“Pero sa ngayon po, hindi pa po napag-uusapan ang supplemental budget ng economic development cluster at saka ng Development Budget Coordination Committee.” —Secretary Roque.