Suporta sa modernisasyon ng Philippine Navy, tiniyak ni Sen. Bato dela Rosa

Tiniyak ni Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa ang kanyang buong suporta sa modernisasyon ng Philippine Navy.

Ang pagtiyak ay ibinigay ni Dela Rosa sa kanyang pagbisita sa Philippine Navy Headquarters sa Naval Station Jose Andrada, Roxas Boulevard, kahapon.

Si Senador Dela Rosa ay malugod na tinanggap ng mga tauhan at opisyal ng Philippine Navy, sa pangunguna ni Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Robert Empedrad.

Nagpasalamat si Vice Admiral Empedrad sa senador na pinili ang Philippine Navy bilang isa sa mga unang ahensyang kanyang iniikutan.

Sa kanyang mensahe sinabi ni Senador Dela Rosa na dahil sa “archipelago” ang Pilipinas, malaki ang inaasahan sa Philippine Navy, kaya nararapat lang na ibigay ang lahat ng kanilang hinihinging mga kagamitan.

Pangako ng senador na “all the way” niyang susuportahan ang modernisasyon ng Philippine Navy.