Suplay ng COVID-19 vaccines sa Caloocan, paubos na

Inihayag ng lokal na pamahalaan ng Caloocan na paubos na ang kanilang suplay ng COVID-19 sa lungsod.

Ito ay ilang araw matapos buksan ang vaccination program sa A4 priority group o mga economic frontliners.

Ayon sa Caloocan LGU, nasa 12,000 na lamang ang onhand na supply ng bakuna ng lungsod.

Kasalukuyan aniyang dagsa ang mga nais magpabakuna sa 24 na vaccination site sa Caloocan.

Inaasahang mauubos aniya ang nasabing suplay ng bakuna ngayong araw.

Nilinaw naman ng lokal na pamahalaan na maari pa ring magparehistro ang mga nais magpabakuna online o sa kanilang barangay sa kabila ng limitadong suplay ng COVID-19 vaccines.

Sa pinakahuling tala ng Caloocan LGU, nasa 177,607 ang bilang ng nakatanggap ng first dose ng COVID-19 sa Caloocan.