Suplay ng baboy at manok, sapat sa Pasko at Bagong Taon — DA

Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na mayroong sapat na suplay ng karneng baboy at manok sa darating na holiday season.

Ito ang paniniguro ni Agriculture Secretary William Dar sa kabila ng pagtaas ng presyo sa pamilihan ng karneng baboy.

Ayon sa kalihim, inaayos na nila ang proseso para dalhin ang mga baboy mula Visayas at Mindanao patungong Luzon.

Umabot kasi sa apat na milyong baboy ang namatay sa Luzon dulot ng African Swine Fever (ASF) na nagpabagsak sa kabuhayan ng mga hog raisers.

Sinabi ng mga manininda, ang kawalan umano ng suplay ng karneng baboy ang pangunahing dahilan kung bakit pumalo sa P350 ang kada kilo nito.

Pagtitiyak ng DA na pansamantala lamang ang kakapusan ng karneng baboy sa Luzon dahil mayroon namang ginagawang aksyon ang gobyerno para muling palakasin ang hog industry.

Samantala, hinikayat ng kagawaran ang publiko na bumili muna ng karneng manok dahil sobra ang supply nito at mababa ang presyo.