Superspreader event noon sa QC, nais na rin paimbestigahan sa Kamara

Isang resolusyon ang inihain sa Kamara para imbestigahan ang nangyaring “superspreading event” sa Quezon City kung saan namahagi ng food packs ang isang konsehal ng lungsod.

Sa House Resolution 1884 na inihain nina Anakalusugan Partylist Rep. Michael Defensor, SAGIP Partylist Rep. Rodante Marcoleta, at Quezon City Rep. Anthony Peter Crisologo ay hinihimok ang kaukulang komite sa Kamara na silipin ang naganap na “superspreading event”, kung saan 6,000 mga residente ang nagtipon sa iisang lugar para makakuha ng food packs.

Naging daan pa anila ang affair na ito para tumaas sa 197 ang COVID cases sa barangay ng wala pang isang linggo.

Pahirapan din anila ang contact tracing dahil hindi man lamang kinuha ng mga event organizers ang pangalan, address at contact details ng mga residenteng pumunta.

Bagamat may sarili nang imbestigasyon ang DILG, ikinasa ito ng mga mambabatas “in aid of legislation”.