Sunog sa isang establisimiyemento sa Cubao, QC, higit 5-oras ang itinagal

Mahigit limang oras na tinupok ng apoy ang tatlong palapag na RRU Asean Hardware sa kahabaan ng Aurora Blvd., Cubao, Quezon City.

Aminado ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) na hirap nilang tuluyang maapula ang sunog dahil sa puno ng stocks ang nabanggit na hardware store.

Sinabi ni Major Joseph Del Mundo na over stocks na karamihan ay mga flamable materials ang laman ng RRU Asean Lumber.

Aabot aniya sa isang milyong piso ang halaga pa lamang ng ari-ariang tinutupok ngayon ng apoy.
Sa imbestigasyon ng BFP, nagsimula ang sunog alas-7:29 kaninang umaga nang sumiklab ang apoy na nagsimula sa ikalawang palapag.

Ang tatlong palapag na bahagi ng TRD/Fil-American building ay inuupahan ng nasusunog na hardware store na pagmamay-ari ng negosyanteng Tsinoy na si Rommel Uy.