Sunod-sunod na pag-atake ng NPA sa mga pulis, bahagi ng planong “koda supermarket” para makalikom ng armas – PNP

Inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde si PNP Director for Operations Police Director Mao Aplasca na magpatupad ng counter-offensive sa sunod-sunod na ambush ng NPA sa mga pulis.

Ito ang inihayag ni PNP Spokesperson Csupt Benigno Durana sa isang statement kung saan tinukoy ang sunod-sunod na pag-atake bilang bahagi ng planong “koda supermarket” ng NPA.

Ayon kay Durana, layon ng “koda supermarket” na makalikom ng armas ang NPA sa pamamagitan ng pag-atake sa mga pulis at militar at iba pang “soft targets.”

Kabilang dito ang pag-ambush sa mga pulis sa Aurora Province noong Martes at sa mga pulis na naka-assign sa route security ni FDA Administrator Nela Charade Puno sa Lupi, Camarines Sur kahapon.

Apat na pulis ang namatay sa mga naturang insidente.

Kinondena ni Albayalde ang mga naturang pag-atake kasabay ng paghahayag ng pakikiramay sa mga naulila ng mga namatay na pulis.

Dagdag ng PNP chief, ang mga sunod-sunod na pag-atake ay maaring bahagi ng “sabre-rattling” o pagpaparamdam ng NPA sa nalalapit na anibersaryo ng CPP sa Disyembre 26, at para mas mapalakas ang kanilang extortion activities sa darating na halalan. | ulat ni Leo Sarne